multo
minulto ako minsan
ng mga ngiti mong
isinilang at akala ko’y
namatay at inilibing sa
panulukan ng
orosa at nakpil.
ilang gabi ring
hindi ako
nakatulog.
sa pasiyam,
muli kang nagpakita.
pangatlo ka sa mga
kasama ko sa bilugang mesa
habang naglalamay sa kape.
wala silang kamalay-malay.
kanina lang,
muli mo akong dinalaw
sa pagitan ng gabi
at bukang liwayway.
yakap ba yun at
kagat ng alindog?
natatakot ako,
nag-iwan ka ng bango
sa ube kong kubre kama.

Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.